Copyright 2016 © drafts and brews byBernadette D. Sueno
Design by Dzignine
Thursday, August 31, 2006

tuldok

para sa mga nagmamahal kay ELDEE


Sulat na naman ito. Para sa ‘yo. Na naman. Ano pa nga ba’ng puwede ko’ng sabihin na hindi ko pa nasasabi sa yo sa nakaraang apat na taon…. O walo? O siyam? Paulit-ulit na lang. Matagal na ako’ng nagmumukhang sirang plaka.

Mahal pa nga ba kita? Nahihirapan ako’ng sagutin kasi parang hindi ko na naman maramdaman. Pero naaalala ko pa kung paano kita minahal at kung gaano. Sa tuwing nangyayari yon, sobra pa rin ako’ng nalulungkot. Sayang kasi eh. Bakit hindi mo nakita. O kung nakita mo man, sana ipinaramdam mo man lang kung naging mahalaga sa ‘yo o hindi. Hindi ako nanghihinayang sa panahon o sa “effort”. Pinili ko kasing gawin yon. At kahit papaano naman naging masaya ako na naging parte ka ng buhay ko. Nanghihinayang lang ako kasi kung binigyan mo man lang sana ng miminsang panahon ang pagkakaibigan natin, e di sana walang ganito. Walang pait. Mas marami sana ang magagandang alaala, kaysa sa pagkalungkot at pag-iyak.

Sabi nila talagang ganoon ka lang daw – hindi sumusulat, hindi nagpaparamdam. Napag-usapan na natin yun di ba, bago pa kayo umalis. Nilinaw mo nga na kaya ganun ka dati pa, kasi mas gusto mo’ng personal na nakakausap yung tao; na personal mo’ng nasasabi yung iniisip mo at nararamdaman. Naintindihan naman kita e. Kaya lang, sinabi ko rin na sana, dahil nga magiging ilang libong milya na ang layo mo, kahit minsan naman mapagtiyagaan mong kumustahin kami. Marami na namang paraan ng pangungumusta e, hindi lang sulat. Pero wala. Sumulat ka minsan pero hindi na naulit. Nawala na nga yung sulat mo eh. Sa dinami-dami ng pagkakataong paulit-ulit ko siyang binasa, hindi ko na siya ngayon makita. Para ba’ng sinasabi tuloy na tama nga, panahon na siguro para kalimutan ka. Kasi kung patuloy pa akong maghihintay sa pangungumusta mo’ng hindi naman darating, maririnig ko pa ba? Kailan pa?

Sabi nila maski sa pamilya mo ganoon ka raw. Ang lagi raw binibigay na rason nang tinatanong tungkol sa ‘yo, abala ka raw masyado. Busy?! Hindi ako naniniwala sa ganun e. Ano bang bagay ang mas importante kaysa sa mga mahal mo sa buhay? Kapag ba nawala sa ‘yo ang pamilya mo, kaya ba silang palitan ng mga bagay na pinagkakaabalahan mo? Busy?! Para mo na ring sinabi na hindi sila kasama sa mga prayoridad mo sa buhay, ganoong sa lahat ng bagay, sila ang sinasabi mong inspirasyon mo. Kaipokritahan yata yun.

Sabi nila maski sa pamilya mo ganoon ka raw. E ano ngayon? Ibig ba sabihin nun, wala ako’ng karapatang magtampo? Na wala ako’ng karapatang isipin na kaming mga dati mo’ng itinuring na kaibigan e wala nang halaga sa ‘yo? E wala na rin naman ako’ng pagbabatayan ng pagpapahalaga na yun e. Sa tingin mo ba, kung yung pamilya mo ay katulad ko na may pribilehiyong mamili kung aalalahanin ka pa o hindi na, sa tagal ng pananahimik mo, pipiliin rin kaya nilang maghintay pa kung kailan ka makakaalala?

Nagising na lang ako isang umaga na sinasabing ayoko na. Ayoko na matulog at gumising nang umiiyak. Ayoko nang patuloy na pagurin ang sarili ko sa pag-aalala sa isang tao na hindi na naman yata ako kilala. Ayoko nang maghintay sa isang simpleng pangungumusta na hindi ko na naman yata talaga maririnig. Ayoko nang magsulat ng mga sulat na ni hindi ko magawa-gawang ihulog kasi bukod sa hindi ko na alam kung saan ko ipapadala, ni hindi ko nalalaman kung nababasa mo nga ba o hindi. Kahit gusto ko pang maging kaibigan mo, paano mangyayari yun eh ako na lang naman yata ang nagpapahalaga? Isa pa, ni hindi na nga kita kilala. Ayoko nang patuloy na mag-isang sumagot sa mga tanong na hindi ko naman talaga dapat itinatanong kung magsasalita ka lang. Ayoko nang magsayang ng panahon sa pagkalungkot dahil sa ‘yo, gayung marami pa ang puwede at mas karapat-dapat kong bigyan ng oras at pagmamahal. Nasisira lang ng paghihintay ko sa ‘yo ang tiwala ko sa tao – na mayroong mga taong marunong magpahalaga, na mayroong mga taong alam kung ano nga ba ang kahulugan ng mga salitang “respeto” at “pagkakaibigan”, na may nakakaintindi kung gaano kahirap ang mag-alala para sa isang tao.

Puwede kasi akong mamili kaya mas pinipili ko ito. Mas pinipili kong isipin na tapos na ang naging parte mo sa buhay ko at ganun din ako sa ‘yo. Aalalahanin ko na lang yung mga magagandang bagay. Tapos, gagawa na lang ako ng mas marami pang magagandang alaala kasama ng mga tao’ng nagpapahalaga at nakakapagpasaya sa akin. Salamat na lang. At sana maintindihan ako ng mga nagmamahal sa ‘yo, kung bakit – kung mahal pa man kita, pinipili ko na huwag ka na mahalin.

Basta, minahal kita.

***
** para kay Eldee at sa mga nagmamahal sa kanya.... dahil ayoko nang magpaliwanag pa.

These were my unsent letters:

May 06, 2004 |17th April 2005 | May 07, 2005 | October 2005 | 2006

...so hate me if u would....
kaigachi is a conjugation of the Japanese term "kigaicha" or crazy. It roughly translates as "crazy about something."

"One does not become enlightened by imagining figures of light but by making the darkness conscious." - C.Jung

Proudly Pinay!

Proudly Pinay!
Protected by Copyscape Web Copyright Checker

But you can always share and cite.
This work is licensed under a
Creative Commons Attribution-Non-commercial-No Derivative Works 3.0 License.